Mas pinahihigpit pa ng Japanese government ang kanilang paraan upang hindi na lumala pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sisimulan na ng Japan na isailalim sa quarantine ang mga turista na manggagaling sa China at South Korea.
Ayon kay Japanese Prime Minister Shinz Abe, pakikiusapan ng kanilang gobyerno ang lahat ng mga turistang mula sa dalawang nasabing bansa na manatili lamang sa mga lugar na itinalaga ng quarantine chief sa loob ng dalawang linggo.
Pagbabawalan din umano ang mga ito na gumamit ng pampublikong transportasyon para makaiwas sa sakit.
Sisimulan ang naturang patakaran sa Marso 9-31 at ipapatupad din ito sa lahat ng Japanese nationals na papasok sa bansa.
Sinuspinde na rin ng gobyerno ang pagbibigay ng visa sa mga Chinese at South Koreans.
Isasama rin umano ng Japan sa kanilang travel ban list ang Iran simula Marso 7.
Samantala, inaasahan naman ang mga mambabatas na ipasa ang panukala na magbibigay permiso sa prime minister na magdeklara ng state of emergency dahil sa coronavirus.
Ang naturang panukala ay magagamit din ng local government para magpatupad ng operating hours sa mga negosyo at ipag-utos ang pagsasara ng mga eskwelahan.
Umabot na sa 1,000 ang kumpirmadong kaso ng sakit sa Japan kung saan 700 sa mga ito ay nagmula sa Diamond Princess cruise ship.