Nagkasundo ngayong araw ang Japan at United States na magtulungan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa gitna ng tumitinding tensyion sa Taiwan Strait.
Bunsod na rin ng pagsasagawa ng China ng military drills kabilang ang paglulunsad ng limang missiles na bumagsak sa exclusive economic zone ng Japan.
Si U.S. House of Representatives Speaker Nancy Pelosi ay nasa Japan ngayon para sa last stage ng kaniyang Asian trip kung saan kabilang dito ang kaniyang kontrobersyal na pagbisita sa Taiwan na isang self-ruled island na itinuturing ng China na teritoryo nito.
Nakipagkita si Pelosi kay Prime Minister Fumio Kishida sa official residence nito kung saan sinabi ni Kishida na magtutulungan ang dalawang magkaalyadong bansa sa pagpapanatili ng kapayapaan at stability sa Taiwan Strait.
Ibinahagi din ng PM na kaniyang ipinaalam kay Pelosi na ang ballistic missiles sa China ay bumagsak sa karagatan ng Japan na sakop ng kanilang exclusive economic zone na banta sa kanilang national safety at seguridad at mariin ding kinondena ng Japan ang naturang hakbang ng China.
Nakatakda ding makipagkita si Pelosi sa kaniyang counterpart na si Hiroyuki Hosoda, speaker of the lower house ng parliament ngayong araw.