Nagbabala si Italian Prime Minister Giueseppe Conte na posibleng pasira ang European Union kung hindi kaagad ito kikilos para tulungan ang mga bansa na lubhang naapektuhan ng coronavirus outbreak.
Kasunod ito nang isinusulong na co-ordinated economic response ng Italya o “corona bonds.” Ito’y sa pamamagitan nang pagpapayag sa mga bansa na paghati-hatian ang kanilang mga utang ngunit ibinasura ng Germany at Netherlands ang ideyang ito.
Ayon kay Conte, hindi raw dapat maliitin ng EU ang hinaharap na krisis ng buong mundo. Aniya kung hindi raw nila kukunin ang oportunidad na ito upang magbigay ng bagong kinabukasan para sa mga proyekto ng Europa ay maaari silang pumalpak.
Sa ngayon ay bumabagal na ang infection rate sa Italya. Base sa huling datos ay halos 1% nba lamang ang itinataas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa naturang bansa.
Nakikitaan na rin ng pagbaba sa bilang ng mga namamatay dahil mula 919 noong isang gabi ay nakapagtala na lamang ng 542 fatalities ang Italy sa loob lamang ng isang araw.
Ngunit ayon kay Conte, hindi pa rin umano magpapakampante ang kaniyang bansa at magpapatuloy pa rin ang national lockdown hanggang sa tuluyan nang bumalik sa normal ang lahat.