Ipinagpatuloy ngayon ang pagdinig ng Senado ukol sa malawakang pagbaha sa Cagayan Valley dahil sa nagdaang bagyong Ulysses.

Kabilang sa mga paksa sa hearing ang isyu ng pag-release ng tubig ng Magat Dam, epekto ng baha sa mga residente at sa mga pananim, pati na ang maaaring gawing hakbang para hindi na maulit ang ganitong pangyayari.

Kasama sa nais mangyari ng mga lokal na opisyal sa Region 2 ang pag-clear sa ilog at paglalagay ng mas matibay na flood protection.

Pero sa isang bahagi ng hearing, hindi naitago ni Senate committee on environment, natural resources and climate change chairperson Sen. Cynthia Villar ang pagkadismaya sa ilang opisyal ng DENR.

Partikular na ang umano ang mga humaharang sa mangrove planting projects at iba pang makabuluhang aktibidad para protektahan ang ating kapaligiran.

Ganito rin ang naging pagpuna ni Sen. Imee Marcos sa iba pang opisyal ng DENR na tila raw ayaw maniwala sa kahalagahan ng pagtatanim ng bakhawan.

Paliwanag naman ni DENR Sec. Roy Cimatu, may mga lugar na mas angkop ang kawayan at dito ngayon nakatuon ang kanilang mga proyekto.