Inamin ng Western Mindanao Command (WesMinCom) na bagong modus ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang istilo ng pagpapasabog kahapon sa Patikul, Sulu, kung saan isang sundalo ang sugatan na miyembro ng 43rd K9 Platoon ng Philippine Army.

Ayon kay WesMinCom commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, ang paraan ng ginawang pagpapasabog ng Abu Sayyaf Group (ASG) ay bagong modus kung saan magsasagawa muna sila ng roadside bombing at kapag nasa area na ang mga rumespondeng tropa ng pamahalaan na nagsasagawa ng clearing operations ay saka naman magkakaroon ng ikalawang pagsabog.

Sinabi ni Sobejana, nais lang ipakita ng teroristang grupo na may kakayahan pa rin silang maghasik ng karahasan kahit humihina na ang kanilang puwersa sa probinsiya.

Aniya, modus ng ASG na maglunsad ng improvised explosive attack kaya pinag-iingat nito ang mga tropa at maging ang mga sibilyan para maiwasan na maging casualties.

Tinukoy ni Sobejana na grupo ni ASG leader Hatib Hajan Sawadjaan ang nasa likod ng pag-atake at pagsabog kahapon sa Sulu.

Nitong Lunes kasabay ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice, tatlo ang patay kabilang ang dalawang taong gulang na bata sa pagsalakay ng Abu Sayyaf.

Samantala, tukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang signature ng IED na ginamit sa twin bombing kahapon sa Sitio Tibongbong, Barangay Igasan, Patikul.

Ayon kay Police Regional Officer-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao director Pol. B/Gen. Marni Marcos, iisa ang signature ng bombang ginamit sa Jolo Cathedral bombing at ang sumabog kahapon sa Patikul.

Pipe bomb aniya ang ginamit ng teroristang grupo.

Sa ngayonm, patuloy pa ang imbestigasyon ng Sulu-PNP sa posibilidad na may ibang grupo ang nasa likod at ginagaya lamang ang teroristang Abu Sayyaf.

“‘Yung concern natin sa terrorism ‘yung land scape nyan ay nag iba na, meron na tayong Filipino suicide bomber and worst is mga bata o young people ang mga nire-recruit, we should involve everybody, hindi lang military o law enforcement unit ngayon ang inaano natin because it involves ‘yung education, ano ‘yung teaching at ano ba talaga yung tamang ituturo natin sa mga bata,” pahayag ni Marcos.