HOUSE OF REPS 5
House of Representatives

Isa pang empleyado ng Kamara ang nagpositibo sa COVID-19, ayon kay House Secretary General Atty. Jose Luis Montales.

Kinumpirma sa mensahe ni Montales na ang naturang empleyado ay nagtatrabaho sa Printer Service ng Kamara.

Ayon kay Montales, huling pumasok ang empleyadong ito noong Marso 5.

Kinabukasan, Marso 6, ay nag-leave na aniya ito sa trabaho at isinugod naman sa ospital noong Marso 7.

“The diagnosis was Dengue. The doctors later tested him for COVID-19 on March 12 and 14, and the results just came out today,” dagdag pa ni Montales.

Una rito, isang empleyado na ng Kamara na mula rin sa Printing Service ang nagpositibo rin sa COVID-19.

Subalit nitong Linggo lamang ay sumakabilang buhay na ito.

Dahil dito, nagsagawa ng disinfection ang Kamara at sinuspinde na rin ang pasok simula kahapon Marso 16 hanggang Abril 12.