Nakatakdang kumonsulta sa isang ispesyalista si Kyrie Irving ngayong linggo dahil pa rin sa hirap pa rin itong makarekober sa natamo nitong shoulder injury.

Matatandaang ito ang dahilan kaya hindi nasilayan si Irving sa kabuuang 33 laro ng Brooklyn Nets ngayong season, kasama na ang lima bago ang All-Star break.

“That’s about all I can tell you,” wika ni Nets coach Kenny Atkinson. “His shoulder continues to bother him. That’s about the extent of it now.”

Ayon kay Atkinson, magkakaroon pa lamang ng mas malinaw na timetable si Irving matapos ang konsultasyon.

Dahil dito, hindi pa rin makakapaglaro si Irving sa unang laro ng Nets pagkatapos ng All-Star Break kontra sa Philadelphia 76ers sa Biyernes.

Samantala, sinabi naman ni Atkinson na ayaw daw ni Irving na hindi na makatuntong muli sa court ngayong season.