VACCINATION PGH NTF
-- Advertisements --

Ngayong tuloy-tuloy ang pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa kada araw, kinalampag ni House Economic Stimulus and Recovery Cluster chairman Joey Sarte Salceda ang pamahalaan na bilisan ang paglalabas ng implementing rules and regulations ng Republic Act No. 11525, o ang COVID-19 Vaccination Program Act.

Sinabi ito ni Salceda matapos na pumalo sa mahigit 7,000 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 base sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) kahapon.

Ayon kay Salceda, mahalagang mailabas sa lalong madaling panahon ang IRR ng COVID-19 Vaccination Program Act upang sa gayon ay mapayagan ang private sector sa pagtulong sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan sa pagbili ng mga bakuna kontra naturang respiratory disease.

Sinabi ng kongresista na dapat ang IRR ay simple, resonable at walang “unnecessary restrictions” na labas sa layunin ng batas.

Ipinaalala nito na ang hangarin ng batas ay tiyakin na maparami ang private sector participants na makibahagi sa ginagawang hakbang ng pamahalaan upang makabili ng maraming supply ng bakuna kontra COVID-19.

-- Advertisement --

Sa tripartite agreement kasi aniya ay obligado ang private sector participants na mag-donate ng mga bakuna sa pamahalaan, bukod pa sa ang mga receipients din naman ng mga biniling bakuna na ito ng mga kompanya ay pawang mga manggagawang Pilipino.

Samantala, binigyan diin ni Salceda na ang pagpapatupad ng “strong” lockdowns ay strategic lamang sa early stages ng pandemya.

Magugunita na kinukonsidera ngayon ng ilang ahensya ng pamahalaan ang pagpapatupad ng “circuit breaker” lockdown sa harap nang muling pagtaas ng COVID-19 cases sa kada araw.