GENERAL SANTOS CITY – Maging pangalan nina Congressman “Pulong” Duterte at Pastor Apollo Quiboloy ay hindi nakalusot sa isang investment scam para makapang-engganyo ng investors.

Ito ang sinabi ng isang complainant na dumulog sa Bombo Radyo GenSan para hindi na makapanloko pa ang RPID Pay investment na nasa Davao City.

Ayon kay alyas Michael, ang nasa likod ng naturang investment scam ay si Bambi Manulat na taga-Magtuod, Maa, Davao City, kung saan naengganyo ito sa pagsali dahi sa asawa ng kanyang pinsan si Bambi.

Pumunta umano sila sa kanilang bahay at doon sinabi na malalaking personalidad ang nasa likod ng investment at hindi sila mahuhuli sa Davao kaya naman nagbigay agad ito ng pay-in na umabot sa P3.7 million.

Idinagdag pa ni alyas Michael na nitong July 16 ito nag-pay-in ng cash kung saan pinangakuan na magiging “x5” ang pera na aabot sa mahigit P18 million pagdating ng 36 days, subalit Oktubre na ay wala pang nakakuha ng payout at napag-alaman na may brand new ng sasakyan si Manulat.

Binigyan ng palugit hanggang nitong buwan si Manulat at kung hindi maibabalik ang kapital, magsasampa na ito ng kaso.