Hindi umano lingid sa kaalaman ng International Air Transport Association (IATA) ang takot na nararamdaman ng kanilang mga pasahero sanhi ng coronavirus outbreak.
58% daw kasi sa mga pasaherong kanilang sinurvey ay wala munang balak na umalis ng kanilang mga bansa kahit matapos na ang krisis.
69% naman sa mga ito ang mas pinili na lamang na hindi na umalis kung kakailanganin lang ng mga ito na sumailalim sa 14-day quarantine period.
Aminado ang IATA na isa ang domestic at international air travel sa mga lubhang naapektuhan ng pandemic.
Batay sa inilabas na bagong analysis nito, posible raw na sa 2024 pa tuluyang maka-recover ang air travel demand.
Ayon sa asosasyon, inaasahan nila na sa taong 2021 ay mas mababa pa sa 24% ang international at domestic passenger demand.
Umaasa rin ang IATA na sa 2022 ay babalik sa 2019 level ang domestic passenger demand habang sa 2024 naman makakabangon muli sa 2019 level ang international demand.
Nananawagan naman ang IATA sa mga gobyerno na gumawa ng isang sistema upang siguraduhin ang pagiging ligtas ng mga byahero at umisip ng paraan bukod pa sa quarantine.