-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Makabayan bloc ang insidente sa Ayungin Shoal noong nakaraang linggo kung saan hinarang at ginamitan ng water canons ng Chinese Coast Guard vessels ang dalawang resupply boats ng Pilipinas.

Sa ilalim ng inihain nilang House Resolution No. 2370, sinabi ng Makabayan bloc na ang insidente sa Ayungin Shoal ay nagpapakita lamang ng tumitinding aggression at arrogance ng hina sa pag-claim sa mga karagatan at teritoryong sakop ng Pilipinas.

Kaya naman hinihimok nila ang House Committee on Foreign Affairs na imbestigahan “in aid of legislation” ang naturang pangyayari.

Humantong anila sa sitwasyon na ito dahil sa mahinang posisyon ng pamahalaan at sa hindi paggiit nito ng valid at rightful claims sa teritoryo ng bansa.

Pinuna rin ng grupo ang anila’y “kneel or war” policy ng Duterte administration sa China, na para sa kanila ay paraan para pagtakpan ang pagiging alipin sa banyagang bansa.

Sa kabilag dako, kinalampag nila ang Kongreso na kumilos para matiyak na intact ang territorial integrity ng Pilipinas, at pagpapanatili na nasusunod ang mga local at international laws para na rin sa kapakanan ng mga Pilipino.