NAGA CITY – Pala-isipan pa rin hanggang ngayon ang dahilan ng pagkamatay ng isang bilanggo sa loob mismo ng kulungan sa PNP-Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Rolando Burce.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Executive Master Seargent Edwin Umali ng Candelaria PNP, sinabi nitong napansin ng kapareho nitong inmate na hindi na gumagalaw ang biktima.

Agad namang dinala sa malapit na ospital ang biktima ngunit idineklara na itong dead on arrival.

Ayon kay Umali, hinhintay pa nila ang resulta ng autopsy ng bangkay ng biktima upang malaman ang totoong dahilan ng pagkamatay nito.

Una rito, lagi umanong sinasabi ng biktima na mas mabuting mamatay na lamang.

Kung maalala, kusang umamin si Burce sa mga otoridad sa nagawa niyang krimen matapos ang panggagahasa at pagpatay sa walong taong gulang na bata sa nasabing lugar.