Umabot na sa halos P200 milyon ang pinsala at pagkalugi ng sektor ng agrikultura dahil sa pananalasa ng Bagyong Goring.
Batay sa ulat ng DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center ang initial assessment sa pinsala ng bagyong Goring ay umabot sa P189.1 milyon, na nakaapekto sa 3,962 magsasaka sa Cagayan Valley.
Sa nasabing bilang, 7,032 metriko tonelada (MT) ng mga pananim ang napinsala sa 11, 280 ektarya ng mga lugar ng agrikultura.
Ayon sa DA, karamihan sa mga pinsala at pagkalugi ay natamo sa reproductive at maturity stages ng mais at palay.
Ayon sa departamento, inihanda nito ang mga sumusunod na interbensyon kabilang ang P100 milyong halaga ng palay, mais at sari-saring buto ng gulay; mga gamot at biologic para sa mga alagang hayop at manok; Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.
Patuloy pa rin nangangalap ang DA at mga regional offices nito ng mga impormasyon para sa kabuuang bilang ng pinsala ng Bagyong Goring sa sektor ng agrikultura.