-- Advertisements --

Nakikita ng beteranong ekonomista na si House Ways and Means committee chairman Joey Sarte Salceda na magpapatuloy pa ngayong Disyembre ang pagbagal pa lalo ng galaw ng presyo ng mga bilihin.

Sinabi ito ni Salceda matapos na iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong araw na bumagal pa lalo ang inflation rate noong Nobyembre, na pumalo lang sa 4.2 percent.

Ayon kay Salceda, lalo pang babagal ang inflation ngayong Disyembre, pero hindi na ito sa kaparehong degree noong nakaraang buwan dahil na rin sa spike na naitala sa consumer demand.

Pero para maabot ito, kailangan aniya na magkaroon ng wastong supply chain management at logistics.

Samantala, nakikita rin ni Salceda na kung lalo pang luluwagan ang transport restrictions, kasabay nang pagiging agresibo sa national vaccination drives, hindi malayo na lalo pang babagal ang inflation sa Enero 2022.

Isa naman sa mga dapat bantayan aniya sa susunod na taon ay ang mga banta sa agrikultura at food supply dahil sa magiging papel nito pagdating sa overall prices.

Inihalimabawa ni Salceda na kung patuloy ang pagtaas ng fertilizre at presyo ng mais ay hindi malabong mananatiling mataas ang meat inflation at overall food prices.

Gayunman, ang pagbagal ng inflation rate noong Nobyembre sa 4.2 percent ay napakagandang balita ngayong papalapit na ang Pasko lalo pa at sumabay din ito sa pagbubukas ng ekonomiya.