Ikinaalarma ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat ang ulat na lalo pa umanong pagbulusok ng presyo ng palay.

Sa isang pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Cabatbat na bumaba ng 37-percent ang presyo ng palay dahil naglalaro na sa P11 hanggang P12 na ang presyo nito kada kilo.

Isinisisi ng kongresista sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law ang insidente na nagtatanggal sa quantitative restrictions ng mga imported na bigas.

Sa ngayon, napipilitan na aniya ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga lupain dahil lugi na sila sa kanilang inaani.

“Dahil sa tarriffication law, ‘yung agrarian reform natin nagiging agrarian return,” saad ng kongresista.

Nagbabala si Cabatbat na kung hindi masosolusyunan ang problemang ito, hindi malayong mamamatay ang industriya ng palay at bigas sa bansa.