Mainit na sinalubong sa MalacaƱang ni Pangulong Rodrigo Duterte si Indian President Ram Nath Kovind na nagsasagawa ng state visit sa bansa.

Bandang alas-3:30 ngayong hapon, dumating sa Palace grounds si Pres. Kovind at wala ng isinagawang welcome ceremony dahil sa masamang lagay ng panahon.

Una nang nag-setup ng red carpet sa Kalayaan grounds at nakahanda na ang honor guards pero kinansela ang arrival ceremony matapos umambon.

Gaya ng mga nakaraang foreign leaders na nagko-courtesy call kay Pangulong Duterte, pumirma rin si Pres. Kovind sa guest book pagpasok sa Palasyo at sinundan ng one-on-one meeting at expanded bilateral meeting sa pangulo.

Sinaksihan din nila ni Pangulong Duterte ang exchange of agreements sa pagitan ng Pilipinas at India.

Kasunod nito, isasagawa ang joint press statement ng dalawang lider bago pumunta sa state banquet o dinner.

Maliban sa pagbisita niya sa Palasyo, bukas ay nakatakdang makipagkita ang Indian president sa liver transplant patients, gayundin sa ilang beneficiaries ng Mahaveer Philippines Foundation, at dadalo sa Philippine-India Business Conclave and 4th Association of Southeast Asian Nations-India Business Summit sa isang hotel sa Makati City.

Pagsapit ng Linggo, sasaksihan ng Indian president ang installation ng sculpture ni Mahatma Gandhi sa Miriam College at makikipagpulong sa Indian community.

Sa Lunes pa ng umaga nakatakdang bumiyahe ang Indian president papunta naman sa Tokyo, Japan.