-- Advertisements --

Naitala ang ikalawang pagkasawi sa kasalukuyang March-May climbing season ngayong 2025 sa pinakamataas na bundok sa buong mundo na Mt. Everest.

Ito ay matapos bawian ng buhay ang Indian mountaineer na kinilalang si Subrata Ghosh, 45 anyos, habang pababa ng bundok matapos maabot ang tuktok ng 29,000 feet peak ng Mt. Everest nitong Huwebes.

Ayon kay Bodha Raj Bhandari ng Snowy Horizon Treks and Expedition, tila napagod umano si Ghosh at nagpakita ng sinyales ng altitude sickness.

Tumanggi din umano ang Indian mountaineer na bumaba mula sa Hillary Step.

Ang Hillary Step ay nasa death zone, isang lugar sa pagitan ng 8,000 metrong taas na South Col at tuktok ng bundok kung saan walang gaanong hangin at mababa ang lebel ng oxygen na nagpapataas ng panganib ng altitude sickness.

Sa ngayon, sinisikap na maibaba ang labi ng nasawing Indian national patungo sa base camp. Ayon kay Bhandari, malalaman ang sanhi ng kaniyang pagkasawi pagkatapos ng isasagawang post mortem.

Matatandaan, una ng napaulat ng pagkasawi ng ating kababayang Pilipino na si Eng. Philipp II Santiago sa edad na 45 anyos noong Miyerkules. Bago ito, naka-engkwentro ng avalanche ang grupo ni Santiago kayat nagtamo siya ng injuries sa pisngi at nawalan ng malay.

Ayon sa Nepal tourism department official na si Himal Gautam, napagod si Santago nang makarating ito sa Camp IV at binawian ng buhay habang nagpapahinga sa kaniyang tent.

Sa kasalukuyan, nasa mahigit 50 climbers ang matagumpay na nakarating sa summit ng bundok mula ng buksan ang ruta noong nakalipas na linggo.

Noong nakaraang taon, mahigit 800 climbers ang nakatuntong sa peak ng Everest habang walong katao ang naitalang nasawi.