Nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hindi agad maaaring magpataw ng increase sa singil ng bawat transaksyon sa automatic teller machines (ATM) ang mga bangko hanggat hindi aprubado ng ahensya.

Ito ang tugon ng BSP kaugnay ng isinusulong na imbestigasyon sa Kamara tungkol sa posibilidad na abusuhin ng mga bangko ang pagsingil sa kada transaksyon ng kanilang mga customer.

“The BSP acknowledges the concerns of the banking public on news reports about the possible increase in ATM fees,” ayon sa BSP.

“In fact, any bank that intends to adjust ATM fees must file its request with the BSP, indicating their proposed fees, as well as the costs currently incurred by the bank with respect to its ATM activities.”

Kung maaalala, inalis ng Bangko Sentral noong nakaraang buwan ang anim na taon ng moratorium nito na nag-uutos sa mga bangko na panatilihin ang status quo ng kanilang ATM fees.

Sa ilalim kasi ng kautusan, hindi maaaring dagdagan ng mga bangko ng singil ang kanilang customers sa kada transaksyon ng mga ito.

Nitong Lunes nang ihain ni Makati City Rep. Luis Campos sa House Committee on Banks ang resolusyon na nagpapa-imbestiga sa lifting na ginawa ng BSP sa moratorium nito.

Ayon sa kongresista, halos 60-milyon ATM cardholders sa bansa ang maapektuhan ngayong hindi na kontrolado ng Bangko Sentral ang regulasyon.

Higit 4-milyon din daw kasi mula sa naturang bilang ang minimum wage workers na nakadepende sa ATM transaction ang sweldo.

“We are worried that the forthcoming increases in ATM charges might harm consumers — the nation’s more than 58 million ATM cardholders,” ani Campos.

“Even more vulnerable are our estimated 4.1 million minimum wage earners. Many of them receive and withdraw their salaries twice a month through their ATM cards at the machine nearest them.”

Nabahala rin ito na baka ituloy ng mga bangko sa 50-percent hike ang kanilang increase.

Sa kabila nito tiniyak ng BSP na may papel pa rin ang ahensya sa adjustments na ginagawa ng mga bangko sa pagpapataw ng singil.

Sinabi rin ng tanggapan na dapat mas mababa sa singil ng over the counter transaction ang charge na ipinapataw sa paggamit ng ATM.

“Rest assured that the Bangko Sentral ng Pilipinas shall examine each request and decide if the increase is warranted to cover the cost of maintaining the ATMs.”

“In any case, said fees should be lower than the fees collected from transactions made over-the-counter and comply with transparency in pricing.”