-- Advertisements --

Inirekomenda ng isang kongresista sa pamahalaan na bawasan muna ang pag-aangkat ng karneng baboy.

Ayon kay ACT-CIS Party-list Rep. Niña Taduran, ito ay bilang paghahanda na rin sa bagong swine flu na natuklasan kamakailan sa China, na may kapabilidad na maging pandemya.

Sinabi ni Taduran na 94 percent ang self-sufficiency ng bansa sa karneng baboy sa kasalukuyan kaya hindi na kailangan pang mag-angkat mula sa ibang bansa.

Mahalaga aniya na maprotektahan hindi lamang ang kalusugan ng publiko at ng mga alagang baboy sa bansa, kundi maging ang kabuhayan din mismo ng mga hog raisers sa pamamagitan ng pagkontrol sa importation.

Iginiit ni Taduran na hindi kakayanin ng bansa na mapasok ng isa pang pandemya, kaya mainam na ngayon pa lamang ay paghandaan na ang bagong tuklas na swine flu.

Bukod sa pagbabawas sa aangkatin na karneng baboy, dapat din aniya na magkaroon ng striktong quality control sa mga pumpasok na karneng baboy sa bansa.

Nabatid na 10% na ng mga manggagawa sa China na nag-aalaga o nagkakatay ng baboy ay apektado ng bagong G4 strain ng H1N1 swine flu.