LAOAG CITY – Patay ang isang ina matapos pagtatagain ng hindi pa nakilalang suspek sa loob mismo ng kanyang bahay sa Barangay Nagsurot sa bayan ng Burgos.

Nakilala ang biktima na si Sheryl Garcia, 39, may tatlong anak at residente rin sa nasabing barangay.

Ayon kay Police Corporal Mark Briones, imbestigador ng PNP-Burgos, matapos maghiwalay ang biktima at asawa nito ay nakirelasyon ang babae sa isang Amerikano.

Subalit naghiwalay din sila at sa ngayon ay may boyfriend ang biktima na residente rin sa nasabing barangay.

Kinumpirma ni Briones na nagtamo ang biktima ng dalawang taga sa batok, isa sa itaas ng tainga at dalawa sa mukha nito na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad para makilala ang suspek at motibo sa krimen.