Pansamantala munang maantala ang pagpapatupad ng batas na magma-mandato sa mga pagkakaroon ng dalawang plaka ng mga motorsiklo.

Ayon sa Land Transportation Office, nagpapatuloy pa rin kasi ang manufacturing ng mga lisensyadong plaka kaya hindi pa agad maipapatupad sa susunod na linggo ang Motorcycle Crime Prevention Act.

Sinabi ni LTO Operations Division OIC Mercy Jane Paras-Leynes sa Laging Handa public briefing, na nagsisimula pa lang din ang pagde-deliver sa mga nasabing plaka.

“‘Yung implementation ng batas doon sa plaka, yung pagkakaroon ng plaka sa harap at sa likod, hindi pa natin yan ma-i-implement.”

Sa ilalim ng batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon, inaatasan ang LTO na mag-issue ng mas malaki at color-coded na licensed plates para sa bawat motorsiklo sa bansa.

Dapat daw ay readable o kayang mabasa ang plate numbers mula sa 15-metro, na ipipwesto sa harap at likod ng motorsiklo.

Kung maaalala, isinulong noong sa Kongreso ang panukalang batas dahil sa mataas na mga kaso noon ng riding in tandem sa bansa.