Reading Time: 1 minute

Nilinaw ngayon ng commissioner ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na babala lamang ang sinabi niyang posibleng maharap sa impeachment complaint si Vice President Leni Robredo matapos nitong suportahan ang isang United Nations resolution na naglalayong imbestigahan ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Sinabi ni PACC commissioner Atty. Manuelito Luna na hindi niya balak na magsampa ng anumang impeachment complaint laban kay Robredo.

Ito ay kanya lamang daw “warning” sa bise presidente upang magdahandahan ito sa kanyang mga sasabihin sa hinaharap.

“Although I respect her, she’s a politician, she’s a lawyer like me but she has to temper her statements,” saad ni Luna.

Hindi raw dapat pinapahiya ni Robredo ang pamahalaan sa international community.

Maari naman daw kasi na pag-usapan sa pamamagitan ng debate ang mga hinain nito at hindi inaakusahan ang gobyerno kahit wala namang sapat na basehan.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Robredo sa isang panayam na welcome para sa kanya ang UN investigators kapag i-review ng mga ito ang umano human-rights violations sa bansa.

Para kay Luna, ang pahayag na ito ng bise presidente ay maituturing na “betrayal of public trust.”