Walang pag-aatubiling sinimulan ng National Bureau of Investigation ang kanilang imbestigasyon sa mga nagaganap na Bomb Threat sa mga Tanggapan ng Gobyerno.
Kasunod ito ng naging direktiba ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla bilang tugon sa bomb threat kamakailan ng isang abogado na nagpakilala sa pangalang Takahiro Karasawa.
Nakipag-ugnayan na rin ang pamunuan ng NBI sa Japan Police Attache.
Bukod dito ay nakikipagtulungan na in ang kawanihan sa iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas, at mga emergency responder upang komprehensibong suriin ang naturang banta.
Sa pamamagitan ng pinagsama-samang pagsisikap na ito, ang mga proactive measures ay bubuo at ipapatupad upang epektibong matugunan ang banta.
Kung maaalala, parehong banta rin ang nilabas ni Karasawa noong nakaraang taon na nagbabantang pasasabugin niyo ang MRT-3.
Nais ng DOJ at NBI na paalalahanan ang publiko na ang mga banta ng ganitong uri ay lubos na sineseryoso at haharapin nang naaayon, nang buong pagsunod sa batas.
Tiniyak rin ni NBI Director Medardo De Lemos sa publiko na ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan ay nananatiling pinakaprayoridad.
Aniya, lahat ng paraan ay kanilang gagawin upang matiyak ang mabilis na paglutas sa nakababahalang sitwasyong ito.