-- Advertisements --

Sumasalungat sa inter-parliamentary courtesy sa Kongreso ang nagpapatuloy na imbestigasyon sa Senado kaugnay sa People’s initiative movement para sa Charter-change.

Ito ang naging posisyon ng mga Bicolanong mambabatas na pinangungunahan ni Camarines Sur 2nd district Rep. LRay Villafuerte.

Iginiit ng mga kongresista na ang PI ay inisyatibo ng mga pribadong grupo na matagal ng inaasam na amyendahan ang Saligang Batas.

Saad pa ni Cong. Villafuerte, ang Mababang kapulungan ng Kongreso at liderato nito ay naging subject aniya ng inquiry at salungat aniya ito sa inter-parliamentary courtesy at nangangamoy na hindi patas umano na pangingialam ng mga miyembro ng isang kapulungan sa opisyal na mga tungkulin ng mga mambabatas na kabilang sa isa pang kapulungan.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na sa isang bicameral set-up gaya aniya ng Kongreso, ang respeto, civility at decorum sa mga miyembro ng dalawang kapulungan ay nagbawal sa mga mambabatas na kabilang sa isang kapulungan na imbestigahan ang mga nasa iba pang kapulungan.

At kapag wala naman aniyang dapat na imbestigahan sa kanilang kapwa mambabatas, wala aniyang puwang ang naturang paglabag sa bisa na rin ng bicameralism dahil ang mga miyembro ng Senado at Kamara ay patas sa lehislatura ng bansa.

INisyu ni Villafuerte ang pahayagbilang suporta kay House Speaker Romualdez at sa Kamara.

Matatandaan na naglunsad ng pagdinig ang Senado sa pangunguna ni Sen. Imee Marcos para imbestigahan ang mga alegasyon ng panunuhol sa PI na layong amyendahan ang Saligang Batas kung saan ibinunyag ng Senadora na mayroong direktang kaugnayan si Romualdez sa PI.