NAGA CITY – Umaani ng samu’t saring papuri ang isang guro sa Bula, Camarines Sur, dahil sa pambihira nitong imbensyon na improvised module disinfection machine.
Kinilala ito na si Jomar Jaravata, 34-anyos, officer-in-charge assistant principal sa senior high school ng Bula National High School.
Naimbento ni Jaravata ang proyekto at hinango sa kaniyang pangalan na J.H.O.M.A.R o Jeepney-typed Health protection Machine Applying Robotics.
Ang nasabing makina ay may kakayahan na maka-disinfect ng halos 20,000 modules sa loob lamang ng walong oras.
Hindi na rin kailangang ibilad pa sa araw ang mga module dahil gumagamit ito ng disinfecting chemicals at UV lights na kaya ring mamonitor ang disinfecting process gamit naman ang cellphone.
Samantala, sumailalaim na rin sa inspeksyon ng Department of Science and Technology ang naturang disinfection machine.