-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nalubog sa tubig baha ang ilang bahagi ng Iloilo City dahil sa high tide.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mr. Jeck Conlu, pinuno ng Public Safety and Transporation Management Office, sinabi nito tuwing buwan ng Hunyo at Hulyo, nakakaranas ng high tide ang Iloilo City na umaabot sa 2.1 meters.

Ayon kay Conlu, kapag mataas ang lebel ng tubig dagat, umaapaw ang mga tubig sa drainage at sanhi ng pagbaha ng mga kalsada.

Lumabas rin anya sa pananaliksik na nailathala sa Journal Nature Communications na ang Iloilo City ay isa sa mga mayor na lungsod sa Pilipinas na pinangangambahang malubog sa tubig sa taong 2050 dahil sa climate change.

Maliban dito, kabilang rin sa mga lugar sa bansa na posibleng malubog sa tubig baha ay ang Roxas City, Capiz, Cebu City, Northwestern Metro Manila, Bulacan, Manila City, Southwestern Manila at Zamboanga City.

Sa nasabing pag-aaral, ang pagtaas ng dagat ang tatlong beses na makakaapekto sa mga mamamayan sa 2050 ayon sa isinagawang satellite readings na siyang standard na paraan sa pagtaya sa epekto ng pagtaas ng sea level.