-- Advertisements --

ILOILO CITY – Magsasampa ng kasong kriminal si Iloilo City Mayor Jerry Treñas laban kay Capiz Governor Esteban Contreras.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Treñas, sinabi nito na dismayado siya dahil sa ipinatupad na border restriction sa mga cargos.

Ayon kay Treñas, wala sa guidelines ng Inter Agency Task Force ang ginawa ng Capiz Governor.

Kapag hindi pinahintulutan na makapasok sa Capiz ang mga nagmula sa Iloilo City, hindi rin umano papayagan na makapasok sa lungsod ang mga nagmula sa nasabing lalawigan.

Samantala, nagpaliwanag naman si Governor Contreras sa naging desisyon na pagbawalan ang mga mula sa Iloilo City na pumasok sa Capiz.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Contreras, sinabi nito na ang kanyang desisyon ay kasunod ng muling pagsailalim sa Iloilo City sa General Community Quarantine.

Ayon kay Contreras, nag-iingat lang siya upang hindi mahawaan ang mga residente ng Capiz ng COVID-19 mula sa mga residente ng Iloilo City lalo na ang mga nagtratrabaho sa call center kung saan naitala ang mataas na kaso ng local transmission ng virus.