CENTRAL MINDANAO – Sumiklab ang engkwentro ng magkaaway na pamilya ng mga tauhan ng isang Moro fronts sa probinsya ng Cotabato.

Ayon kay Cotabato police provincial director Col. Maximo Layugan na nagkasagupa ang pamilya Caludin at Makalugi sa Brgy Bulol, Pikit, North Cotabato.

Dahil sa tindi nang palitan ng bala sa magkabilang panig ay lumikas ang mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar.

Ang grupo nila Caludin at Makalugi ay kapwa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ngunit may personal na alitan dahil sa agawan sa lupa na kanilang sinasaka.

Kinompirma ng mga bakwit na may nasawi na at nasugatan sa magkabilang panig.

May mga tao nang inatasan si Pikit Mayor Sumulong Sultan para mamagitan katuwang ang mga matataas na opisyal ng militar at MILF para ayusin ang gusot sa dalawang pamilya.