Umapela ng tulong sa pamahalaan ang restaurant industry sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng House Committee on Trade and Industry, sinabi ng ilang restauranteur malaki ang ibinagsak ng kanilang kita magmula nang magpatupad ng lockdown noong Marso.

Ayon kay Bill Stelton ng Bistro Group, naubos sa loob ng dalawang buwan magmula ng lockdown ang halaga na kanilang kinita noong 2019.

Bagama’t kumikita sa pamamagitan ng food deliveries, sinabi ni Stelton na kaunti lamang ito kumpara sa halaga na kanilang inilalabas para mapanatili ang kanilang mga empleyado sa kasagsagan ng lockdown.

Hindi aniya kakayanin nilang nasa restaurant industry sakaling tumagal pa ang ganitong sitwasyon.

Sinabi naman ni Eric Dee ng Foodie Global Concepts na mapipilitan silang ipasara ang ilan sa kanilang mga restaurants dahil sa lugi sa gitna ng COVID-19 crisis.

Kaya umaapela sila sa pamahalaan na pahintulutan na ang “safe dine-in” sa mga restaurants bilang pagsunod na rin sa safety protocols na ipinapatupad ng pamahalaan.

Sa ngayon, sinusubukan aniya nila na gumamit na ng teknolohiya para UV ray sanitation para matiyak na ligtas ang kanilang inihahaing pagkain.