Inamin ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na malabo ang ilan sa mga probisyon na nakapaloob sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Ayon sa kalihim, nang mabasa niya ng malinaw ang nasabing batas ay nadiskubre nitong may mga grey lines o malabo at hindi specific kaya dapat itong bigyang pansin sa pag-review sa Implementing Rules and Regulations (IRR).
Partikular na tinukoy ni Sec. Año ang isang probisyon na mismong ang Bureau of Corrections (BuCor) chief ang makakapag-compute at magbibigay ng time allowance, pero hindi ibig sabihin nito na siya rin ang mag-aapruba.
Kailangan aniya ay mas mataas na opisyal ang mag-approve sa release order ng isang kuwalipikadong bilanggo.
Kumpiyansa naman si Año na matatapos sa loob ng 10 araw ang pag-review sa IRR.
Ayon sa kalihim, ipinadala niya si Usec. Orense ng Department of the Interior and Local Government at Bureau of Jail Management and Penology director Alan Iral para samahan ang technical working group sa pagrebyu bago ito ipasa sa kanila ni Justice Sec. Menardo Guevarra.
Sinabi ni Año, magbibigay din sila ng kanilang rekomendasyon kung may kulang pa sa GCTA Law na kanilang isusumite sa House of Representatives at Senado.
Hindi naman masabi ng kalihim kung sila ay may kapangyarihan para maglagay sa provisions ng IRR na nag-uutos na hulihin ang mga convicts na nakalabas ng kulungan.
Aalamin din ng kalihim kung ilan sa 1,914 inmates ang “heinous” crime convicts na nakatakda sanang palayain ng BuCor.
“Well we have to check kung sino itong mga heinous crimes na ito. Kung
ito ay serial killer talagang delikado din tayo dyan,” ani Año.