Ipinananawagan ng ilang Catholic bishops sa Luzon kasama ang komunidad ng mga mangingisda ang adminsitrasyog Marcos na gawin ang lahat ng paraan para protektahan ang mga mangingisdang Pilipino mula sa patuloy na panggigipit ng China sa West PH Sea.
Sa isang joint pastoral exhortation, sinabi ng mga obispo na kaisa ng mga mangingisda ang Simbahan at bilang mga pastol mula a iba’t ibang ecclesiastical jurisdictions sa kanilang pastoral care, ipaparating nila sa pamamagitan ng kanilang boses ang mga takot, pangamba, pighati at alalahanin ng mga kababayan nating mangingisda.
Nais aniya nila ng kapayapaan at hindi isang moral option ang makipaggiyera gayundin hindi aniya dapat hayaan ng mga lider ng ating bansa ang mga kababayan nating Pilipinong mangingisda na maitaboy mula sa fishing grounds na kinikilala ng international law na ating karapatan.
Bagamat kinikilala nila ang paninindigan ng pamahalaan sa pagdepensa sa WPS hindi aniya sapat ang salita lamang.
Isinisi naman ng mga obispo sa polisiya ng pagpapakalma sa Chinese aggressors sa lumalala pang sitwasyon ng ating naghihirap na mangingisda na nagpalakas pa aniya ng loob ng China na tanggalan ng kabuhayan ang mga Pilipinong mangingisda at itaboy mula sa kanilang traditional fishing grounds.
Inilabas ng mga obispo ang naturang pahayag ilang linggo matapos na iulat ng PCG na itinaboy ng CCG ang mga mangingisdang Pilipino na nangongolekta ng sea shells malapit sa Bajo de Masinloc noong Enero 12.
Kabilang sa mga lumgadang obispo sa naturang panawagan ay sina
Archbishop Socrates Villegas of Lingayen-Dagupan (Pangasinan); Bishops Bartolome Santos Jr. of Iba (Zambales), Daniel Presto of San Fernando (La Union), Socrates Mesiona of Puerto Princesa (Palawan) and Broderick Pabillo of Taytay (Palawan); at Auxiliary Bishop Fidelis Layog of Lingayen-Dagupan.