-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kanselado ang ilang mga flights sa United Kingdom dahil sa pagkasira ng mga runways kasunod ng heat wave na nararanasan sa lugar.

Ayon kay Bombo International Correspondent Ramil Isogon direkta sa UK, ang London Luton Airport na isa sa pinakamalaking airport sa bansa ang nag-suspendi ng ilang flights dahil sa epekto ng mataas na temperatura.

Aniya, kinailangan pa ang isang essential runway repair dahil nasira ng high surface temperature ang isang bahagi ng runway.

Ang pinakamalaking air base naman ng Royal Air Force (RAF) ay nag-suspende rin ng flights kasunod ng report na ang runway ay natunaw.

Samantala, na-record naman ang pinakamainit na temperatura ang England at nalampasan ang dating pinakamataas na temperatura.

Ito ay nangyari sa Heathrow Airport sa London kung saan, pumalo sa 40.2 degrees Celsius (104 degrees Fahrenheit) ang temperatura.

Ang typical na temperatura sa London ay pumapalo lamang sa 21 C sa kalagitnaan ng Hulyo.

Nalampasan pa ng panibagong record ang 39.1 degrees Celcius na una ng na-record sa Charlwood, England ilang oras lang ang nakalipas.

May mga namatay naman na indibidwal matapos na nalunod nang naligo sa dagat dahil na rin sa mainit na panahon.
Nagdagdag na ng abiso ang gobyerno na iwasan muna ang paglabas sa bahay lalo na kung hindi importante ang lakad upang maiwasan ang posibilidad na ma-heat stroke at damihan ang water intake.

Napag-alaman na ilang mga bansa ngayon sa Europa ang dumadanas ng heat wave.

Ayon sa mga scientists, ito ay epekto na ng climate change.