Pabor ang ilang kongresista na mag-overtime at palawigin pa ang session ng Kamara kahit pa sine die adjournment na sa Hunyo 6.
Sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na payag siya sa ideya na palawigin pa ang kanilang session para na rin matutukan at matapos ang mga panukala para sa COVID-19 response, economic stimulus at pagpapatupad ng “new normal”.
Para magawa ito, maari aniyang magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng special session sa ilalim ng mandatory adjournment na mula June 6 hanggang July 24.
Mahigpit kasi aniya na nakasaad sa probisyon ng Section 15, Article 6 ng Legislative Department na magko-convene ang Senado at Kamara tuwing ika-apat ng Lunes ng Hulyo at magtatapos 30 araw bago ang muling nakatakdang opening ng session.
Hinimok naman ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin ang liderato ng Kamara na amiyendahan ang Legislative Calendar para makapagsagawa pa rin ng mga pagdinig at sesyon ang Kongreso lagpas ng Hunyo 6.