Ibinasura ng Sandiganbayan ang ilang dekadang forfeiture case laban kay dating Tacloban City Mayor Alfredo “Bejo” Romualdez at iba pang respondents dahil sa paglabag sa kanilang karapatan para sa mabilis na disposisyon ng mga kaso.
Si Bejo Romualdez ay ang kapatid na lalaki ni dating first lady Imelda Marcos.
Sa isang desisyon na inilabas noong Hunyo 23, ibinasura ng anti-graft court ang Civil Case No. 0167 na inihain ng pamahalaan noon pang 1996 laban kay Romualdez, sa kaniyang maybahay na si Agnes Sison Romualdez, Romson Realty, Inc, R & S Transport, Inc., Fidelity Management, Inc., at Dio Island Resort, Inc. dahil umano sa anomaliya sa ilang properties na iligal na nakuha.
Ayon sa korte, nakabinbin ang kaso sa loob ng 27 taon subalit hindi pa nasisimulan ang pre-trial.
Nabigo din aniya ang pamahalaan na makatugon sa resolusyon ng korte.
Depensa naman ng prosekusiyon na marami umano silang workload gaya ng hearings at preparasyon sa pleadings sa iba pang katulad na mahahalagang kaso subalit sinabi ng Sandiganbayan na flimsy excuses lamang ang naging paliwanag ng prosekusyon.
Saad pa ng korte na ang orihinal na petisyon ay dumaan na sa tatlong amendments na lahat ay inisyatibo ng pamahalaan sa loob ng mahigit 20 taon.