Muling tiniyak ng Korte Suprema na hindi luto ang ilalabas nilang desisyon kaugnay ng poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Ito ang sinabi ni Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin kasabay ng launching ng kanyang memorabilla dahil sa nakatakda nitong pagreretiro sa Oktubre 18.

Aminado naman itong kapag mayroong malalaking kaso na kanilang dedesisyunan ay hindi maiiwasan na magkaroon ng pressure.

Aniya isasalang pa sa deliberasyon ang draft ruling ni Associate Justice Benjamin Caguioa matapos ang recount sa tatlong pilot provinces na tinukoy ni Marcos sa kanyang poll protest kabilang na ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

Una nang pinabulaanan ni Bersamin ang mga lumutang na balitang magiging 8-6 ang botohan para ibasura ang draft ruling ni Caguioa na papabor kay Marcos.

Nakatakdang namang pagbotohan ang kahihinatnan ng poll protest ni Marcos sa susunod na en banc session sa Martes, Oktubre 15 matapos maipagpaliban ng tatlong beses.