ICRC

BUTUAN CITY – Iimbestigahan ng pulisya ang mga nag-escort sa dalawang mga sugatang pinaghihinalaang rebeldeng New People’s Army (NPA) na na-intercept sa Provincial Quarantine Control Point/checkpoint sa Purok 3, Barangay Payasan, Lianga, Surigao del Sur kahapon sa alas-10:55 ng umaga.

Ito’y upang malaman kung bakit may mga tama ng bala ang mga biktimang ikinarga sa tatlong ambulansiya ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na nakilalang sina Noel Dadang, 32, may asawa ngunit walang ibinigay na address na may tama sa kaliwang tiyan at Jea Angeles Perez, 22, residente ng Purok 4, Brgy. Puyat sa bayan ng Carmen, Surigao del Sur na may tama naman sa kanyang kanang paa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Police Major Renel Serrano, information officer ng Police Regional Office Region 13 (PRO-13) na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya sa bayan ng Lianga na may mga sugatang rebeldeng New People’s Army (NPA) na isinakay sa ambulansiya, kung kaya’t pinahinto sila.

Ayon kay Serrano, malaki ang posibilidad na mga rebeldeng NPA ang mga sugatan matapos malaman na nagmula sila sa Brgy. Janipaan, sa bayan ng San Miguel, Surigao del Sur na bahagi ng Andap Valley Complex kung saan naganap ang sunod-sunod na bakbakan nitong nakalipas na linggo na nagresulta sa pagkamatay ng 11 rebelde.

Kasama sa kanilang na-intercept ang tatlong mga kolor puting ambulansiya ng ICRC pati na ang mga drivers na sina Ian Dominguez Adlawan, 38, may asawa, residente ng Nabunturan, Davao de Oro; Marjun Velez Gabia, 46, naninirahan sa P-3, Agro Camp, Brgy 76-A Davao City at Jose Junrie Quisquis Lomoljo, 40, residente ng Tukananes, Cotabato City.

Na-hold din ang mga escorts na sakay ng nasabing mga ambulansiyang sina Marjun Tagalog ug Leo Haniff Ko, taga-Zamboanga Del Norte; Rogelio Iduk Jr at Reynaline Esguerra sa Davao City; Tara Feodora Montgomery, 35, dalaga, British national at si Jayrome Rala na hindi nagbigay ng kanyang address.

Ang mga sugatan ay nai-refer na sa Davao Regional Medical Center para sa medical treatment.