-- Advertisements --

Nais ng International Criminal Court trial chamber na humarap ang nakadetineng si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa status conference sa Setyembre 7 kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Sa pagdinig nitong Hunyo 23, sinabi ni Presiding Judge Joanna Korner na inaasahang mahalaga ang Sept. 7 hearing dahil makukumpleto na ang mga ulat ng panel ng eksperto at magiging available na rin ang mga obserbasyon ng mga partido.

Inaasahan na isusumite ng eksperto ang ulat bago ang Agosto 18, at ang mga paliwanag ng mga panig ay hanggang Agosto 31.

Hindi dumalo si Duterte sa nasabing pagdinig at kinatawan siya ng kanyang abogado na si Peter Haynes.

Binigyang-diin ng hukom na inaasahan nilang personal na dadalo ang dating Pangulo sa Sept. 7 maliban na lamang kung may medikal na dahilan.

Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga patakaran sa paghawak ng confidential information at pinaalalahanan ang mga abogado na huwag magkomento sa labas ng korte.

Binatikos din ni Korner ang mga naunang pahayag ng dating defense counsel na si Nicholas Kaufman, na aniya’y hindi naaangkop at nakasira sa proseso.

Giit ng hukom, ang tamang lugar ng mga argumento ay sa loob ng korte, hindi sa media o opinyon ng publiko. Binanggit din niya ang pagkalat ng maling impormasyon kaugnay ng kaso.

Ang susunod na status conference ay sa Hulyo 14, kasunod ang Sept. 7, Okt. 13, at Nov. 2, bago ang nakatakdang paglilitis sa Nobyembre 30.