-- Advertisements --

Umaapela ang Air Carriers Association of the Philippines (ACAP) sa pamahalaan na gawing isa o magkakapareho na lamang ang polisiya para sa domestic travel sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ginawa ito ng ACAP sa pagdinig ng House Committee on Transportation sa gitna na rin nang unti-unting pagluwag ng pamahalaan sa quarantine restrictions sa pagnanais na masindihan ulit ang ekonomoya na lubhang apektado ng pandemya.

Ayon sa ACAP, sa ngayon ay magkakaiba ang polisiya para sa mga bumabiyaheng locally stranded individuals, returning overseas Filipino workers at authorized persons outside residence.

Panawagan nila na magkaroon na lamang ng standardized requirements sa lahat ng uri ng mga biyahero.

Ang apelang ito ng ACAP ay tinatanggap naman ng Department of Transportation (DOTr) subalit sinabi ni Transportation Assistant Secretary Jaime Melo ang may desisyon patungkol sa usapin na ito ay nakasalalay sa kamay ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Natukoy din sa pagdinig na magkakaiba ang requirement ng mga LGUs para sa mga pumapasok at lumalabas sa kanilang lugar.

Halimbawa, sa Boracay, kailangan ng negative RT-PCR test, health declaration form at booking confirmation mula sa tutuluyang hotel.

Pero, pagbalik naman sa Manila ng mga biyaherong ito, hindi na sila obligado ang na sumailalim sa RT-PCR test.

Ayon kay Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, chairman ng komite, ang issue na ito ay kailangan ding linawin sa pag-uusap sa IATF-EID at ng League of Cities and Municipalities.