-- Advertisements --

Sisimulan na ng House Committee on Dangerous Drugs ang imbestigasyon kaugnay sa napaulat na cover-up ng ilang opisyal ng Philippine National Police sa P6.7 billion na halaga ng shabu.

Bukas, April 26 nakatakda ang imbestigasyon batay sa House Resolution 495 na inihain mismo ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na siyang chairman ng komite.

Ito ay bahagi ng motu proprio inquiry ng komite sa nabunyag na drug recycling.

Ayon kay Barbers, kanilang inimbitahan sa pulong ang higit 40 PNP officials na sinasabing sangkot sa isyu.

Hindi naman matiyak kung makakadalo sa pagdinig ang pulis na si SSgt Mayo na kasalukuyang nakakulong.

Pero sinabi ng mambabatas, malaking bagay kung makakadalo si Mayo upang mas mabigyang linaw ang isyu.

Sinabi ni Barbers na posibleng abutin ng isa hanggang dalawa pang imbestigasyon ang komite bago magkaroon ng rekomendasyon sa isyu ng drug recycling.