CEBU CITY – Binigyang diin ni Deputy Speaker at Cebu Third District Rep. Pablo John “PJ” Garcia na hindi puwedeng ikumpara ang naging kapalaran ng ABS-CBN Corporation sa kalayaan sa pamamahayag.
Ito’y matapos na sinang-ayunan ng 70 na mambabatas kabilang na si Garcia, ang rekomendasyon ng technical working group ng Kongreso na ibasura ang franchise renewal ng nasabing korporasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Garcia, sinabi nitong hindi ito sumang-ayon sa franchise application ng network dahil sa ilang mga balidong reklamo gaya ng hindi umano pagbayad ng tamang buwis sa gobyerno.
Una nang iginiit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na regular na nagbabayad ang himpilan ng buwis taun-taon at napag-alamang nakapagbayad ito ng P15.30 billion na halaga ng buwis mula 2016 hanggang 2019.
Sinabi rin ng nasabing mambabatas na sinunod sana ng management ng network ang mga batas at ikinalungkot nito ang naging kapalaran sa higit 11,000 na empleyado nito.
Iginiit din ng mambabatas mula sa third district ng Cebu, na siyang miyembro din ng technical working committee, na isang malaking prebilehiyo sa broadcast network ay ang pagkakaroon ng Congressional franchise.