Hinimok ng isang kongresista ang mga awtoridad na arestuhin na ang mga hoarders at mga nagmamanipula ng presyo ng mga gamot na ginagamit laban sa mga sintomas ng COVID-19.
Ginawa ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo ang natuang apela kasunod na rin ng mga ulat hinggil sa umano’y nangyayaring hoarding ngayon sa mga gamot na paracetamol.
Mayroon aniyang mga batas, regulasyon at kahit mga ordinansang nagbabawal sa hoarding at price manipulation ng mga gamot at ba pang mga mahahalagang consumer products.
Maari aniyang gamitin itong basehan ng mga awtoridad sa paghahabol na kanilang gagawin gayong kawawa naman ang taumbayan, lalo na ang mga mahihirap, sa napabalitang hoarding na nangyayari.
Iginiit ng kongresista na dapat magtulungan dito ang Department of Trade and Industry, Department of Interior and Local Government, Department of Health, Philippine National Police, at mga local government units.
Samantala, pinatitiyak naman niya sa mga manufacturers na mayroong sapat na supply ng COVID-19 medicines sa mga botika.
Nauna nang tiniyak ng DTI na mayroong sapat na stocks ng paracetamol at iba pang mga gamot para sa mga sintomas ng COVID-19 tulad ng lagnat.










