VERGEIRE 1
IMAGE | Health Usec. Maria Rosario Vergeire

MANILA – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na negatibo sa COVID-19 ang 30-anyos na babaeng nag-positibo sa UK variant ng coronavirus pagdating ng Hong Kong, bago umalis ng Pilipinas.

Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ng Philippine Airlines na “negative” test result ang ipinakita ng naturang pasahero nang sumakay sa flight PR-300 noong December 22.

“The presentation of a negative covid test by arriving passengers is a requirement of the HK government,”¬†ani PAL spokesperson Cielo Villaluna.

“Yes we have that information,” sagot naman Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.

Inamin ng DOH spokesperson na mula sa “line list” o listahan ng mga pasahero na kanilang natanggap mula sa Bureau of Quarantine, lumabas na dalawa ang 30-anyos na babaeng biyahero papuntang Hong Kong.

Pareho silang “negative” ang ipinakitang resulta bago sumakay ng eroplano.

“(They) we’re both tested prior to their departure to Hong Kong. One was tested on December 20, one was tested in December 22, and both had negative results.”

Nakuha na raw ng DOH ang address at contact details ng dalawang babae para malaman kung sino ang nakitaan na may UK variant.

“We still don’t know the nationality because even in the press conference of Hong Kong authorities, hindi naman nila sinabing Pilipino talaga.”

Bukod sa dalawang babaeng pasahero, may 38 ibang biyahero pa na lulan ng flight ang tinutunton ngayon ng ahensya.

Inalerto na ng DOH ang kanilang regional offices para sa contact tracing ng iba pang pasahero ng nasabing flight.

“Nagco-contact tracing na kami. Kinuha na namin lahat ng contacts and address to be able to do this.”

Patuloy din umanong nakikipag-ugnayan ang DOH sa Ministry of Health ng Hong Kong para makakalap ng karagdagang impormasyon sa report.

Nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa health authorities ng Hong Kong at World Health Organization para makakuha pa ng mga karagdagang impormasyon tungkol sa nag-positibo sa UK variant na galing Maynila.

Una nang sinabi ng DOH at Philippine Genome Center na wala pang kaso ng UK variant ng COVID-19 sa Pilipinas matapos ang ginawang serye ng genome sequencing.