Inaprubahan ng U.S. House of Representatives ang Hong Kong-related sanctions makaraang ipatupad ng China ang kontrobersiyal na national security law na kinondena ng buong mundo.

Sa bagong parusa na ito ay papatawan ng multa ang mga bangko na magkakaroon ng kasundian sa kahit sinong Chinese officials subalit kailangan muna itong lagdaan ng Senado bago ihatid kay US President Donald Trump.

Noong Martes, Hunyo 30, nang tuluyang aprubahan ng National People’s Congress Standing Committee sa China ang national security law sa Hong Kong sa kabila ng posibilidad na magdulot ito ng panibagong kaguluhan sa teritoryo.

“The law is a brutal, sweeping crackdown against the people of Hong Kong, intended to destroy the freedoms they were promised,” saad ni House Speaker Nancy Pelosi.

Malinaw naman umano na paglabag ang security law sa 1985 Sino-British joint declaration ayon kay United Kingdom Prime Minister Boris Johnson.

Bagamat nagpahayag ang Britanya na handa silang tanggapin ang mamamayan ng Hong Kong na nagnanais na takasan ang kaganapan sa kanilang lungsod ay nagbanta naman ang Beijing na haharangin nito ang citizenship plan ng UK.

“If the British side makes unilateral changes to the relevant practice, it will breach its own position and pledges, as well as international law and basic norms,” pahayag ng Chinese Embassy sa Britain.