Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang hiling ng binansagang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles, para makalaya mula sa Women’s Correctional sa Mandaluyong City.

Ayon sa kataas-taasang hukuman, may hatol na pagkakakulong na lagpas sa anim na taon laban kay Napoles, kaya hindi ito maaaring makapag-piyansa.

Una rito, inihirit ng negosyante na mapalaya siya, bilang humanitarian consideration.

Katwiran ng kampo nito, diabetic siya at lantad sa posibleng pagkakahawa ng sakit na COVID-19 habang nasa bilangguan.

Para sa mga mahistrado, kahit may sakit si Napoles, hindi pa rin ito sapat para mapagbigyan ang kaniyang nais na makakuha ng provisional liberty.

Si Janet ang sinasabing nasa likod ng mga pekeng non-governmental organization (NGO) na pinondohan ng pork barrel mula sa mga dati at kasalukuyang mambabatas.