Reading Time: 1 minute

Aminado ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pinag-aaralan na nila ang aplikasyon ng ilang bangko para sa mas mataas fee o bayad sa transaksyon ng automated teller machines (ATM).

Ayon kay BSP Financial Technology Subsector office-in-charge Vicente De Villa III, aabutin pa ng 20 araw bago maglabas ng desisyon ang central bank hinggil sa hirit na increase ng hindi bababa sa 10 bangko.

Alinsunod umano ito sa panuntunan ng Ease of Doing Business Act kung saan pinaikli sa 20 araw ang proseso ng mga itinuturing na “technical transactions.”

“Granted that this would fall under a ‘very scrutinized situation’, it falls under the complex situation which falls around 20 banking days,” ani De Villa.

“Part of the evaluation process is the banks will have to submit all cost considerations.”

Batay sa ulat ng Bangko Sentral, dagdag na ATM transaction fee ang hirit ng karamihan sa mga bangkong naga-apply.

Pero may isang lender umano na nais naman pababain ang kanilang ATM fees.

Pinaiimbestigahan ngayon sa Kamara ang lifting na ginawa ng BSP sa moratorium nito noong 2013 na nagbabawal sa mga bangko na magpataw ng extra charge sa ATM transaction ng kanilang customers.

Ayon sa naghain ng resolusyon na si Makati City Rep. Luis Campos, posibleng itaas ng mga bangko sa 50-percent ang fee na kanilang ipapataw sa kada transaksyon ng ATM.

Una na rin nilinaw ng BSP na bagamat inalis nila ang regulasyon ay dapat pa rin dumaan sa approval ng central bank ang hiling ng mga kompanya.