Hirit na dagdag sa sweldo ng mga manggagawa bilang regalo sa kanila sa Labor Day, malabo pa sa ngayon ayon sa DOLE
Walang aasahang dagdag sweldo ang mga manggagawa para sa pagdiriwang ng araw ng paggawa sa lunes, May 1.
Ayon kay DOLE USec Benjo Benavidez na may proseso kasing dapat sundin alinsunod sa batas, sa pagtatakda ng umento sa sahod kaya hindi ito basta basta maipagkakaloob.
Una aniya sa proseso ay kailangang tingnan kung ang mga petisyon ay naaayon sa form and substance.
Daraan din aniya sa pagdinig ang petisyon bilang bahagi ng prosesong ipinatutupad.
Binigyang diin ni Benavidez na bagaman nauunawaan nila ang hinaing ng mga manggagawa, kailangan aniyang hayaang gumulong ang proseso at mekanismo para matukoy kung mayroong kailangang rebisahin sa mga umiiral na minimum wage sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Sa ngayon aniya ay walong petisyon para sa dagdag sweldo ang nakabinbin sa ilang Regional Tripartite Wages and Productivity Board.