Naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang hired killer na akusado sa pagpatay sa tatlong politiko at isang pulis.

Kinilala ni CIDG Director Roel Obusan ang suspek na si Gearge Ginabay na nagpanggap na miyembro ng Philippine Army.

Sinabi ni Obusan na batay sa mga identification cards na narekober ng CIDG sa suspek, nagpakilala itong isang Cpl. George Guinolbay na miyembro ng Philippine Army Scout Ranger at medal of valor awardee.

Ginamit ni Ginabay ang apelyidong Guinolbay dahil kilala itong Army Scout Ranger kaya magsisilbing pang-akit na rin ng mga kliyente.

Si Ginabay ay naaresto noong Sabado sa Diadi, Barangay Bognay, Nueva Vizcaya sa isang restaurant habang may kausap na kliyente.

Nahaharap na ito ngayon sa kasong murder.

Nabatid na isa si Mayor Avelino Amangyen ng Paracelis, Mountain Province ang nabiktima nito kung saan sinaksak ng suspek ang alkalde noong October 10 sa Santiago City.

Ibinunyag din ni Obusan na si Ginabay din ang suspek sa pagpatay sa isang pulis, liga ng mga barangay chairman at isang barangay chairman.

Aniya marami ng impormasyon silang nakuha sa suspek at ngayon ay subject sa follow up operation.