Nanindigan ang Department of Health (DOH) na hindi pa pwedeng biglain ang pagbubukas ng mga industriya dahil sa hinaharap pa ring krisis ng bansa dahil sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ng Department of Trade and Industry (DTI) na umaapela ang ilang sektor na payagang makapag-operate muli ng 100% sa ilalim ng general community quarantine status.

“There would come a time na talagang somehow slow opening of different sectors has to be done para magtuloy-tuloy ang buhay natin,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Ang sinasabi nga ng mga eksperto, we have to live with the virus.”

Bagamat nasa kamay pa ng Inter-Agency Task Force ang pag-aaral at pagde-desisyon sa panukala, kailangan umanong maintindihan ng publiko na mas malaki ang tsansa nang tuluyang pagbubukas ng ekonomiya kung mananatili ang pagsunod sa minimum health standards.

“If only people would comply strictly with these behavior changes that we would want for them to have, tayo ay pwedeng magbukas ng kahit anong sektor.”

“Kailangan yung behavior change ay mangyari para slowly makapagbukas tayo ng iba’t-ibang sektor.”