
Inamin ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na hindi bababa sa sampu mula sa mahigit 900 na third level officers ng pambansang pulisya ang posibleng sangkot sa ilegal na droga.
Inihayag ito ni Azurin sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw sa Kampo Crame sa bahagi ng Quezon City.
Hindi binanggit ng hepe ng Pambansang Pulisya ang pagkakakilanlan ng mga ito at kung ilan sa kanila ang colonel at general.
Ngunit sinabi niya na napag-alamang may kaugnayan ang mga ito sa illegal na droga batay sa kanilang mga ginagawang imbestigasyon.
Samantala, kaugnay nito ay patuloy pa rin ang panawagan ni PNP chief sa lahat ng colonel at heneral ng Philippine National Police na may kabuuang 956 na magsumite na rin ng kanilang courtesy resignation alinsunod sa naging panawagan ni Interior Secretary Abalos bilang patunay na rin na sila ay malinis at walang tinatago.










