Reading Time: 1 minute

Kinumpirma ng Board of Pardons and Parole (BPP) ng Department of Justice (DOJ) na matagal na nilang ibinasura ang aplikasyon ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez para sa executive clemency.

Ito’y kaugnay ng sintensya sa kanya na panghabang-buhay na pagkakakulong dahil sa kasong rape at murder sa dalawang UP Los Baños students na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.

Sa isang panayam sinabi ni Parole and Pardons Administration head Manuel Co, mismong mga kaso ni Sanchez ang naging batayan ng board sa pag-reject ng aplikasyon nito.

Hindi na rin daw nakaabot pa sa tanggapan ng pangulo ang hiling ng dating alkalde dahil sa lebel pa lang ng board ay hinarang na ito.

Maituturing umano na indivisible penalty ang sintensya kay Sanchez kaya hindi na kataka-taka ang pagkaka-disqualify ng kanyang aplikasyon.

Nilinaw ni Co na mga intermediate penalty lang ang maaring gawaran ng parole ng gobyerno.